<body> <body bgcolor=#FFFFFF>

Thursday, November 04, 2004

 

Ikalawang araw

Parang gusto ko uli tagalugin ang isusulat ko ngayon.
Natapos na rin ang ikalawang araw ng semestreng ito. Tatlo ang klase ko ngayong araw na 'to: Teolohiya, Voice, Movement and Mime at Nonfiction Workshop. Kaninang alas nuwebe ng umaga ang aking Teolohiya. Gaya nga ng sinabi ko dati, kailangan kong ulitin ang klaseng ito dahil binagsak ako ni Fr. Dacanay. Kaya, ayan, kinuha ko na rin ngayong semestre para matapos na. Si Dr. Michael Asis na ang pinili kong propesor dahil, sa pagkarinig ko, ok naman raw siyang magturo, at mataas magbigay ng grado.
Wala akong kilala sa klase ko. Oo, may iba akong namumukhaan, pero di ko sila talagang kilala. Kahit mga ka-grupo ko, di ko masyadong kilala. Isa lang sa kanila ang talagang nakausap ko kanina, si Andy, at yun ay dahil pareho kaming di masyadong ka-barkada ang tatlong ka-grupo namin na nagkumpulan at nagkwentuhan dun. Kaya sino pa kakausapin namin kundi ang isa't isa? At paano naman ang guro namin? Ewan ko...halos di ko narinig siyang nagsalita. Basta, pinaggrupo grupo niya kami. Bigla na lang siya minsan nawawala. Ewan ko kung ano ginagawa...sabi ni Andy baka naninigarilyo sa pocket garden.
Masturbation ang tatalakayin ng grupo namin. Naku! Yun na naman?!? Uulitin ko uli lahat ng mga pinagdaanan namin kay Fr. Dacanay. Kahit yung seminar ng mga mag-asawa. Di ko alam kung tatagal ako. Ayoko na ng teolohiya! Pag naiisip ko ang pagod na dinaanan namin dun at ang pawis at dugo na ibinuhos namin nung nakaraan na semestre para dun, tapos babagsak rin pala.
Tatlong oras akong walang ginawa kanina pagkatapos ng teolohiya, kaya nagreserba na ako ng gaganapan ng presentasyon namin para sa teolohiya. Tapos, nahanap ko sina Jace at Chika. Kumain kami sa World Topps ng tanghalian kasama ng ilan pa naming mga kabarkada.
Kaninang ala-una y media naman ang Voice, Movement and Mime. Siyempre, takot ako dahil di naman talaga ako marunong magsayaw at umarte. Paano na ako? Pero ok naman ang propesor namin...si Dexter Santos. Di ko malaman kung dapat ba namin siyang tawaging Sir o Dexter lang. Kasi, yung iba, ang tawag sa kanya Dexter lang. Parang malapit lang kasi sa edad namin, at napaka-inpormal ng pagturo niya. Masaya naman kanina. Nagpakilala lang lahat ng mga tao. Tapos, nagkaroon kami ng pagsasanay kung saan kailangan naming ipakita ang mga inaaasahan namin sa guro at mga kaklase namin sa pamamagitan ng pag-arte. Siyempre, di talaga ako marunong umarte, at tawa lang ako ng tawa dun. Ay naku.
Matapos ang VMM, kinailangan kong tumakbo mula sa ikatlong palapag ng Gonzaga hanggang sa kabilang dulo ng CTC...sa ikatlong palapag rin. Hirap pala nun...paano na pag nagk-klase na talaga kami sa VMM? Eh kakailanganin ko pang magbihis bago ako makapunta sa CTC. Sana di ako laging mahuhuli sa Nonfictionnamin.
At kamusta naman ang huli kong klase na yun? Di siya tulad ng dati kong mga klase sa nonfiction. Nakakaantok. At mukhang puro basa lang. Halos walang sulat. Eh yun nga ang pinakagusto ko sa mga klase ko sa malikhaing pagsulat. Mabait naman ang guro...kaya lang, sobrang hina naman ng boses niya. Nasa harap na ako nakaupo, pero halos di ko pa rin siya marinig. Naaalala ko nga si Dr. Santos kay Marra Lanot. Mabait na guro pero sobra namang nakakaantok pakinggan. Sana naman di siya seryoso na apat o lima lang ang isusulat namin. Gusto ko yung tulad dati na halos bawat pagkikita namin, nagsusulat kami. Yun ang masaya. Di naman kasi seminar ito eh. Dapat mas marami kaming sinusulat.
Sige, ititigil ko na ito at sumasakit na ang ulo ko. Buti na lang walang pilosopiya bukas.

Comments:
naks naman, jace! makatang makata!hehe...

tungkol naman sa sinabi mo, iba kasi ang drama sa nonfiction. ang drama kasi, siyempre, kailangan mo pang pag-isipan ng mabuti ang kwento mo at kung papaano mo isusulat yun. walang makakasulat ng isang dula sa loob ng tatlong oras. pero sa nonfiction, di naman ganun. ung mga dati naming nonfiction, kadalasan, umaabot kami ng halos sampung sanaysay. paano kasi, ang nonfiction, para kang nagsusulat sa iyong journal. di katulad ng drama na kailangan mong i-plot. sa totoo lang, mas maganda nga kung hahayaan mong lumabas na lang lahat ng sasabihin mo muna...tsaka mo siya aayusin. kaya maganda ung dati na bawat klase, nagsusulat kami ng sanaysay.
 
Post a Comment

[ the puzzled one ]

    Just another puzzle with
    its pieces still missing.

[ the pieces of my puzzle ]

[ the finished puzzles ]

September 2004 October 2004 November 2004 December 2004 January 2005 February 2005 March 2005 April 2005 May 2005 June 2005 July 2005 August 2005 September 2005 October 2005 November 2005 December 2005 January 2006 February 2006 March 2006 April 2006 June 2006 July 2006 August 2006 September 2006 October 2006 November 2006 December 2006 March 2007 May 2007 June 2007 February 2013 March 2013

[ solve the puzzle ]



Blogskin Designed by: EcNeRaLx Design.. Visit my blog at www.lifepeek.blogspot.com and look at more of my skins at www.blogskins.com.. my username is ecneralx.. thanz a lot!! Enjoy this blogskin!! Get awesome blog templates like this one from BlogSkins.com