Sa wakas, natuloy rin ang dalawang taon na naming pinaplanong lakad papuntang EK. Simula pa ata nung nasa unang taon ng kolehiyo kami na una kaming nagplanong pumunta doon, pero kahapon lang talaga naisakatuparan ang aming matagal nang pinapangarap na gawin.
Sa totoo lang, akala ko nung una, di na naman matutuloy. Paano naman, di sumasang-ayon sa amin ang panahon kahapon. Nagising ako, umuulan pa rin tulad ng nakaraang mga araw. Mula pa pagkagising ko, nagtetext na kami ng mga ka-bloke ko, nagtatanong kung matutuloy ba ang plano. Ilang beses rin akong nagpabalik-balik sa bintana, tinitignan ang maulap na langit at nagdadasal na tumila na ang ulan.
Tumila naman ang ulan, kahit na maulap pa rin ang langit. Natuloy rin kami (salamat sa Diyos). Alas nuwebe ng umaga ng sunduin ako ni Darls, tsaka naman dinaanan si Cerz at Bay. Nandoon na sa McDonald's sina Kim, Jihan at Jay. Di nagtagal, sumunod rin ang iba. Inaasahan ko nung una na malamang si Jace ang mauuna. Aba, himala! Siya ang pinakahuling dumating! Sayang nga lang, si Chika ay di nakasama. Pinayagan na talaga siya. Ngunit, nang umulan nga kahapon ng umaga, binawi ang paalam sa kanya. Kahit na nang tumila na ang ulan, di pa rin siya pinayagan. Kaya sampu lang kaming sumakay sa bus nina Jihan papuntang EK.
Bago kami dumating sa EK, kumain muna kami sa McDonald's sa isang estasyon ng gas malapit na sa Sta. Rosa. Ang mahal kasi ng pagkain sa loob kaya nananghalian muna kami. Ang mahal rin ng bayad para sa EK. Limang daang piso ang bayad bawat tao. Natira sa akin 400 pagkabayad.
Naghiwalay rin ang grupo pagpasok sa loob. Habang sumakay sa Dodgem ang iba, kaming apat nina Kim, Jihan at Jace ay sumakay sa Flying Fiesta. Masaya siyang sakyan, at nakakatuwa ang pakiramdam na parang lumulutang ka sa ere, kita mo ang buong park. Kaya lang, medyo nga lang nakakahilo. Matapos namin sa Flying Fiesta, binalikan namin yung iba sa Dodgem, ngunit di pa sila tapos kaya kinuhanan na lamang namin sila ng litrato habang naghihintay. Bumuhos rin ang ulan habang naghihintay kami. Nakakatawa nga kasi kaming apat ay nagtakbuhan para makasilong sa ulan. Si Kim ay naiwan sa isang tindahan, nakasilong sa ilalim ng bubong ng tindahan. Kinuhanan pa nga namin siya ng litrato. Pero tumigil rin ang ulan pagkalabas ng iba sa Dodgem, at tumuloy kami sa Roller Skaters. Ang saya kasi ang iingay naming sampu. Di pa nga nakakagalaw ang sinasakyan namin, naghihiyawan na kami na parang mamamatay na kami. Iba pala pag kasama mo mga kabarkada mo, tapos ang dami niyo pag sumasakay doon!
Sumunod ang Log Jam. Dalawang beses kaming sumakay doon pero di sumama sa amin si Jace kasi di raw niya gusto ang matataas na lugar. Kaya ayun, siyam kaming sumakay, tatlo sa isang sasakyan. Ang saya! Mas nabasa kami sa ikalawang sakay pero saya pa rin! Nakakatawa nga kasi, nung paakyat na ang sinasakyan namin papunta sa pinakamahabang bagsak, nagsusuklay pa si Darls ng buhok...parang di rin magugulo ang buhok niya pagbagsak namin. Tumuloy naman kaming Space Shuttle pagkatapos. Naiwan uli si Jace, kasama ni Jihan at Billy. Magkakasama kami nina Kim, Bay at Jay na lumagay sa gitna ng sinasakyan namin. Nang umaatras na ang sasakyan, nagbibiro pa si Jay na "It was really nice to have known you." Para bang mamamatay na kami. Sa tingin ko, humiyaw ako mula unang bumagsak ang sasakyan hanggang tumigil na ito. Si Jay naman raw ay di na nakayanang sumigaw.
Di ko maalala kung ano sumunod. Rialto ata. Smash Factory ang palabas naman kahapon. Di ko siya nagustuhan. Nahilo lang talaga ako. Pati sa Up, Up and Away nahilo rin ako. Nakapikit ako buong oras na nakasakay kami dun, at pagbaba, pakiramdam ko masusuka talaga ako. Bilib rin ako sa kanila Cerz at Darls. Ilang beses silang nagbalik-balik sa Anchors Away. Matapos nang una at huling pagkakataon kong sinubukan sumakay doon ilang taon na ang nakalipas, wala nang nakapilit sa aking subukan ito uli. Ayoko ng pakiramdam na bumabagsak ang tiyan ko.
Ang pinakamasayang sinakyan namin ay ang Rio Grande. Hinati namin ang grupo sa lima, at kasama ko sina Kim, Jace, Jay at Jihan. Akala namin ni Kim noong una, kami na ang nakakuha sa pinakamalas na upuan dahil laging sa amin tumatalsik ang tubig, at bago pa kami nakalayo sa umpisa, basa na ang likuran namin. Si Jace, akala niya ang swerte niya. Pano ba naman, malapit nang matapos ang sakay namin, tuyo pa rin ang damit niya. Ayan na, nang papalapit na kami sa isang talon, umikot bigla ang bangka...at tumapat ang talon sa kay Jace! Ayan, para siyang naligo doon. Pero nang makita na namin ang iba, mas malala pa pala sina Cerz at Darls! Basang basa sila! Para silang lumangoy na nakabihis.
Nagpa-neo print rin kaming sampu. Sa dami namin, nagsisiksikan kami sa booth. Halos di kami magkasya, pero ang saya niya. Nang hinihintay namin matapos ang nauna sa amin, pinakikinggan namin ang nagvivideoke sa likod namin. Noong una naming marinig ni Jihan ang kumakanta, akala namin babae...ang taas kasi ng boses. Pagtingin namin, lalaki pala! E di siyempre, di na kami nakapagpigil ni Jihan. Natatawa na nga sa amin ang babaeng nagbabantay sa neo print dahil halatang natatawa na kami.
Marami akong nakuhang litrato rin, kahit na di kasing rami ng kay Jace. Pero nasa kay Fuji pa siya naka-save. Mag aalas-onse na kasi ng gabi, may pasok pa ako bukas. Bukas ko na lang i-uupload sa photo E ang litrato.
# Lyn found a missing piece @ 10:14 PM