Nawalan kami ng klase nitong nakaraang dalawang araw. Nung Huwebes, kasi raw padating ang bagyong Yoyong, kahit na hindi umuulan o kahit na humahangin nung nagising ako. Ngunit, nung bandang hapon na, lumakas na nga ang hangin. Sa sobrang lakas, maririnig mong sumisipol ito, at ang mga pintuan namin sa bahay ay nagsisilagapakan. Sabi ng nanay ko, tama nga raw na nawalan ng klase kasi, di pa alas singko ng nagumpisa nang lumakas ang hangin. Ang laki na raw ng trapiko.
Dumating si Yoyong ng kinagabihan ng Huwebes. Nakatutok kami sa TV Patrol noong gabing yun habang nagbabalot ng mga regalo para sa Christmas Party sa mga bata sa Bulacan. Grabe...ang daming nawalan ng bahay at mga mahal sa buhay. Marami na ring mga lugar na nagmistulang dagat na kulay putik dahil sa mga lagpas-taong baha. Ang daming mga tao at bahay na inanod dahil dito. Magpapasko pa naman. Gusto na ngang ipakansela ng tatay ko ang gaganaping birthday party niya mamaya dahil ayaw na niyang maghanda pa habang maraming walang makain ngayon. Pero kinumbinse na lang namin na di naman para sa kanya lang ang handaan. Dumating kasi kanina ang dalawang kapatid ng tatay ko at ang dalawang taong anak ng tita ko kanina galing sa Amerika, at ang handaan mamaya ay isang pagkakataon na makita nila ang buong angkan. At isa pa, mahirap na ring magkansela isang araw bago ng handaan.
Dapat nga, nung una, sa bahay namin sa Bulacan kami maghahanda. Pero, nang nabalitaan ngang padating si Yoyong, naisipan ng nanay ko na sa Tapika na lang kami dahil baka magpawala ang Anggat at bumaha sa amin. Mabuti na nga lang at inilipat ang pagdadausan ng handaan. Di ako sigurado kung nagpawala nga ang Anggat ng tubig, o kung dahil sa malakas na pag-ulan ito, pero ngayon nga ay nakalubog na naman ang Parung-Parong, ang aming barrio, sa tubig. Kahit sa loob ng bahay namin ay baha, pero di naman tulad ng dati na hanggang tuhod. Kaya lang, puro mga palayan at palaisdaan kasi ang mga katabi ng bahay namin sa Parung-Parong. Siguradong marami na namang mga nasirang mga tanim, o mga isda at iba pang nakawala sa mga palaisdaan.
______________________________
Dumating nga kanina ang dalawang kapatid ng tatay ko galing sa Amerika, kasama ang maliit kong pinsang si Cristal. Matagal na rin na di sila nakakauwi sa Pilipinas, kaya nga gusto ring maghanda ng nanay ko mamaya, para makita ng mga kamag-anak namin ang dalawang taon kong pinsan.
Siyempre, kaming tatlo ng nanay at ate ko atat na atat kaninang makita si Cristal. Kung ano-ano pa nabili ng nanay ko na mga regalo sa kanya kahapon. Si Cristal na lang rin kasi ang baby pa sa aming mga magpipinsan. Parang manika na pwede naming paglaruan! Hehe.
Sayang nga lang di nakasama ang kapatid niyang si Alex. Naiwan sa Amerika, kasama ng tito ko. Alam namin na gustong gusto niya sanang sumama pauwi dahil nandito mga pinsan niya. Matagal na rin niyang di nakita ang mga pinsan niyang kaedad niya dito.
______________________________
Nakakapagod na rin talaga ang Pasko. Parang di nauubos ang mga kailangang balutin na mga regalo para sa Pasko. Ilang buwan na rin namin ito ginagawa. Di lamang para sa mga kamag-anak at mga kakilala, pati na rin sa mga regalo ng 217 na mga batang kalahok sa Christmas Party sa Bulacan. Umiinit na nga ulo ng nanay ko dito dahil di matapos tapos.
Inaantok ako ngayon. Hatinggabi na kasi kami natulog kagabi dahil sa pagbabalot pa rin ng mga regalo. 5:30 naman kami gumising. Tapos, ng bandang ala-una y media, nagising pa ako sa tawag ng isang kaibigan ko sa cellphone. Di niya ako pinayagang ibaba ang telepono hanggang masabi niya sa akin ang kailangan niyang sabihin. Umabot siguro kami ng labinlima hanggang dalawampung minuto dun. Nakakabagabag pa ang kinwento niya kaya mga isang oras pa ako nakahiga lang doon ng gising. Di ako makatulog dahil punong puno ang utak ko ng kung anu-ano.
Sana maayos ang lahat. Sana pasko na, para tapos na lahat at maaari na naming maramdaman ang kapaskuhan. Sana makayanan pa ring sumaya ng mga taong naapektuhan ng bagyo ngayong Pasko kahit papaano.
# Lyn found a missing piece @ 10:31 AM