Nag-umpisa muli ang mga klase ngayong araw. Ok lang, dalawa lang naman ang naging klase ko kaninang umaga, at pinalabas pa kami ng maaga kanina sa Pilosopiya dahil bangag pa rin raw ang guro namin. Ibinalik lang niya sa amin ang mga resulta ng pagsusulit namin nung Dec. 16, at ipinakita ang mga grado namin sa recitation. Tapos pwede na kaming umalis.
Mabuti na lang mababa lang ang ambition ko sa pagsusulit na yun, at di ako masyadong umasa sa mas mataas sa C+. Dahil dun, di masyadong masama loob ko kanina nang natanggap ko ang aking grado. C+ nga! Alam ko karamihan nakakuha ng mas matataas na marka, pero inaamin ko naman na di ako gaanong mahusay sa Pilosopiya. Para sa akin, mataas na rin ang C+, kung ikukumpara ko ito sa dati kong mga nakukuha ko dun. At kung tutuusin, di rin naman ako masyadong nakapag-aral sa pagsusulit na yun, at kinulit ko lang si Jace na tulungan akong maintindihan ang ibang mga konsepto sa mga teksto namin. Kailangan ko nga lang paghusayin ang pasalitang pagsusulit namin sa pagtatapos ng semestre para maging maganda naman ang aking huling marka sa Pilosopiya.
Sumunod ang klase namin kay G. Bernal. Di kami nanood ngayon ng pelikula. Pinag-usapan lang namin ang Ayala Museum. Inaamin ko, muntik na ako makatulog sa likod. Wala kasi akong naiintindihan sa mga pinagsasabi niya. Tapos, pinag-usapan naman namin ang pagp-presenta ng proposals namin para sa mga pelikulang gagawin namin. Naku, patay na ako. Di ko pa nagagawa ang storyboard para sa grupo namin. Malapit na akong patayin ni Papu. Pangako ko, gagawin ko na yun sa lalong madaling panahon. Pero, paano ba talaga ako makakagawa ng storyboard tungkol sa dalawang taong...ah, naglalampungan? *nagkakamot ng ulo*
# Lyn found a missing piece @ 2:40 PM