Kanina ang unang araw ng Freshman OrSem 2005. Ito rin ang unang beses kong sumali sa OrSem committee. Gusto ko sana nung isang taon, pero di ako nakapunta. Narinig ko sa iba na masaya raw kaya sumali ako ngayong taon.
Pakiramdam ko matatanggal na mga paa ko sa sakit.
Sa totoo lang, ok naman ang umpisa niya, kahit na kinailangan kong gumising ng 4:30 ng umaga. Tumulong kami ni Yumi sa Secretariat committee para irehistro ang mga bagong miyembro ng Ateneo. Masaya naman siya kasi nakakatuwang makita ang mga bagong Atenista. Nakita ko ata mga kaibigan ni Maika, pero di ako sigurado. May mga galing sa Poveda rin na ako ang nagrehistro. At nakita ko rin ang mga bagong Creative Writing majors.
Masaya rin yung unang mobe out. Nawalan ako halos ng boses kakasigaw ng "Freshmen, mobe!" Kaya lang, medyo maaarte ang mga freshmen ngayon. Para bang, habang pinagmamadali mo sila, lalo silang nagbabagal. Para bang nananadya. Ang tataray ng mga mukha! Ah ewan!
Nakakapagod, pero ok naman ang paglalagay ng mga sponsor sample products at mga pananghalian sa mga upuan ng mga freshmen. Mabilis rin naman magawa kasi tulong-tulong kami.
Pero dumating na ang mga freshies para sa tanghalian. Ang gulo! Ang committee ko rin ang nagbibigay ng mga pagkain sa ibang mga volunteers. Kaya grupo ko rin huling nakakain. Medyo nakaka-claustrophobic kasi ang daming tao, eh kailangan naming lumusong sa kung saan mararaming nagkukumpulang tao, kasi dala-dala nga namin mga pagkain ng mga TNTs at SecMobs.
Tapos, nag-alisan na silang lahat uli para sa iba pang mga gawain. Oras na para maglinis ng covered courts.
Ang bababoy nilang kumain! Ang dami-daming mga basurahan at segregation stations sa covered courts, pero halos wala man lang nagtapon ng mga pinagkainan nila. Iniwanan nila ang mga itong basta-basta na lang nakakalat sa sahig. Di man lang nakapatong ng maayos sa mga silya nila. Nakabuka pa ang ilan sa mga styrofoams at tumatapon ang pagkain. Pagkaing halos di man lang nila ginalaw. Nakakapanghinayang tignan ang mga leftover bins kasi ang daming nasayang na pagkain. Di naman pwedeng ipakain pa sa iba kasi ginalaw na ito at wala nang tatanggap nito. Ang mga upuan naman ay nakakalat, nasira na ang layout na ginawa, halos di mo na nga malaman kung saan nanggaling ang upuan na yun. Ang mga product samples na nilagay namin sa mga upuan ay nakakalat rin sa sahig. Kinailangan ng lahat ng covered courts volunteers na linisin ang buong covered courts, at natagalan pa rin kami natapos.
Haaaaaay. Tapos, nung bumalik ang mga freshies, ang ganda-ganda ng ayos ng covered courts na. Paglabas na naman nila, parang dinaanan na uli ng bagyo.
Ang pinakamahirap talagang trabaho ang pagsalo sa kalat ng ibang taong walang pakialam sa mga naglilinis ng kalat nila. Tapos, may iba pang mga volunteers na wala naman talaga halos ginagawa. Huli na ngang dumating kaninang umaga, pinaka-maaga pang nagsialisan, habang kami ay naiwan hanggang 7:30 ng gabi para mag-ayos dun.
Sana naman, maisip nila bukas na hindi kami mga katulong nila para maglinis ng kalat nila. Sana maisip naman nila na kami ang nasisisi kapag may problema.
# Lyn found a missing piece @ 8:27 PM