Unang araw ng Nobyembre ngayon. Araw ng patay. Umuwi kami kanina sa Bulacan para bisitahin ang mga puntod ng mga kamag-anak naming namatay na, tulad ng nakagawian. Nagkita-kita uli ang angkang Santiago sa musoleo (?) nina Lolo Bato at Lola Rita. Matapos magrosaryo, umalis rin kami upang hagilapin ang mga puntod ng iba pa naming kamag-anak.
Sa kamalas-malasan, umuulan kasi kanina. Puro putik at baha ang dinaanan namin. Halos lumangoy na kami sa putik at sa tubig kung saan may mga tadpoles pang nagsisilangoy. Siyempre pinapalalalahanan pa kami ng ate ko na nasa sementeryo kami at malamang, may mga patay sa ilalim ng putik na nilalakaran namin. Kaya raw ang ganda ng pagtubo ng mga damo. Salamat ah. Ang dami pang mga tao. Parang nasa Divisoria. Ayoko talaga ng mga matataong lugar. Nakaka-claustrophobic.
Tama nga si ate. Tama ba nga naman na ang dami-daming mga nabubuhay na walang sariling lupa habang ang mga patay na ay may lupa pa rin? Ang dami-dami nang nag-uusbungang sementeryo ngayon, lalo na sa mga probinsya. Kaya laging ang bigat ng trapik kapag undas. Sinasakop na ng mga patay ang mga lupa na pwede sanang pagtirhan ng mga buhay.
Kaya ako, pag namatay, ayokong ilibing ako. Gusto ko cremation. Sa dami ng mga kandilang itinitirik sa puntod mo pag undas, malamang rin naman, sunog ang aabutin mo. Ayoko ang ideya na nakakulong ka sa isang ataul, habang inaagnas ka. Bakit pa? Sayang lang ang gagastusin mo sa ataul, sa damit na ipanlilibing sayo, at sa puwesto sa sementeryo. Aagnasin ka rin naman.
Ganda 'no? Hehe. Paumanhin po sa ka-morbid-an ko.
Pagkatapos naming magpalipat-lipat ng mga puntod, pumunta kami sa bahay ng lola ko sa tuhod sa Hagonoy para sa kaarawan ng kapatid ng lolo ko (waw...patay, tapos kaarawan). Tagal rin namin doon. Siyempre, nabusog na naman ako sa dami ng mga handa. Sarap talaga nung pitsi-pitsi at lumpiang sariwa! Hehe. Tapos, siyempre inantok ako at tinulugan ko lang sila dun.
Pero nakahanap rin ako ng pagkakataon na kausapin ang tita ko na isa sa mga managers ng Gazebo Royale. Tinanong ko siya kung nags-sponsor ba sila. Nalaman ko na sponsor sila ng Ateneo Debate Society ngayong Nobyembre. Ewan ko kung para saan. Pumayag siyang ipadala ko sa kanya ang marketing letter para sa aming Fine Arts Festival. Titignan raw niya kung kakayanin nila magsponsor para sa Enero. Kaya ayun, pinadala ko muna sa email niya yung kopya ng marketing letter.
Sana nga lang matuloy.
Haaaaay. Isa't kalahating linggo na lang, pasukan na uli. Sa susunod na linggo, umpisa na ng mga gawain para sa huling semestre ko. Kuhanan ng grado sa Lunes, tapos magrerehistro na ako sa Huwebes matapos nun. At sa Sabado naman matapos nun ang eksamen ko para sa Ateneo Law School.
Tignan na lang natin kung ano ang mangyayari.
# Lyn found a missing piece @ 8:43 PM