Imbes na nagkaroon kami ng totoong klase sa teolohiya ngayon, pinapanood sa amin ni G. Manaloto ang isang dokumentaryong laban sa nilalaman ng Da Vinci Code ni Dan Brown. Ay, nako...talagang ayaw tantanan ni G. Manaloto ang Da Vinci Code. Ang laki talaga ng galit niya sa librong iyon. Masasabi kong medyo interesante nga ang dokumentaryo. At may ilang puntos naman na medyo tama naman. Pero di ko pa rin lubos maisip kung bakit sobrang laki ng isyu ng mga tao tungkol sa librong yun. O baka dahil di ko pa kasi nababasa ang libro. (Edlyn, nakakahiya ka!)
Pero tama rin si Patawaran. Sa loob-loob niya, malamang ay natutuwa rin si Dan Brown sa lahat ng mga kontrobersiya tungkol sa nobela niya. Biro mo, free publicity rin yun. At mukhang epektibo naman. Siyempre, di mo mapipigilang ma-engganyong basahin ang nobela para malaman kung bakit ang laki ng kontrobersiya tungkol dito.
Maiba naman ng usapan. Nagdiskurso ngayon ang propesor namin sa pilosopiya (oo, nagturo na siya talaga ngayon). Pumasok sa diskusyon ang pagiging "politically correct". May kaklase akong nagbanggit na hindi raw politically correct ang salitang "katulong". "Kasambahay" raw dapat. Pinagmunihan ito ni G. de Jesus, at napag-isipan niya na mas gusto pa rin niya ang orihinal na termino, dahil masyadong...pilit...ba ang salitang "kasambahay".
Sa ganoong respeto, sa tingin ko sang-ayon ako. Noong una kong narinig na mas "politically correct" nga raw ang terminong "kasambahay", sinubukan kong gamitin ito. Ngunit nadiskubre kong masyadong...awkward...ang terminong ito. Siguro dahil mahaba rin ang salitang ito. Pero hindi lang iyon ang isyu ko tungkol sa salitang ito. Para ngang masyadong pilit. Pilit na maging "politically correct".
Naging usapan na namin ng tatay ko 'to dati. Ang mga terminong "politically correct". Ang pinagdidiskitahan niya noon ay ang salitang "squatter". Ayaw niya ang salitang iyon. Ayaw rin niya ang terminong "exclusive school". Pero kung iisipin mo, talaga namang yun ang pangalan para sa mga bagay o sitwasyon na ito. Talaga namang namamasukan ang iba sa bahay ng iba para tumulong sa bahay--kaya tinawag na "katulong". Talaga namang nag-s-squat ang mga taong hindi nagmamay-ari ng lupang tinitirikan ng bahay nila. Tinatawag na "exclusive school" ang isang paaralan kasi para lamang sa babae, o para lamang sa lalaki ang paaralang iyon. Bakit kailangan gawan ng kontrobersiya ang mga terminong talaga namang para sa isang bagay?
Hindi ba, sa pamimilit na maging "politically correct", lalo kang hindi nagiging "politically correct", lalo kang sumasali sa diskriminasyon laban sa mga taong pinipilit mong palitan ng pangalan? Habang lalo mong minamasama at binibigyan ng malisya ang mga salitang orihinal na binigay para dito, ikaw na rin ang nagbibigay-kahulugan sa mga salitang ito. Hindi naman yung termino talaga ang may malisya. Ang tao ang nagbibigay malisya sa salita. Mas importante ang kung paano ka kumilos. Kapag iniisip ko na katulong namin sa bahay si Manang, hindi naman mababa ang tingin ko sa kanya. Sa katunayan, parang pamilya na ang turing namin sa kanila ni Lewellyn. Walang malisya dun.
Wala lang, naisip ko lang. Pasensya na kung walang katuturan ang mga pinagsasabi ko. Bunga na rin yan nang paggamit ko ng wikang Filipino. Sinusubukan ko rin sanayin ang sarili ko sa pagsulat sa Filipino. Hehe.
# Lyn found a missing piece @ 3:32 PM