Kanina, na-cremate na si Lolo Stock. Unang beses ko maranasan na mapunta sa isang...libing (?)...kung saan ang namatay ay crinemate. Nakasanayan kasi sa pamilya namin na sa sementeryo ang huling hantungan ng namatay, hindi sa isang oven kung saan ikaw ay magiging abo matapos ang tatlong oras.
Kung ako ay tatanungin, mas gusto ko ngang i-cremate na lamang. Parang ayoko ang ideya na ikukulong ka sa isang sementadong kahon sa isang lote, kung saan ikaw ay unti-unting mabubulok hanggang sa buto mo na lang ang natitira. Sang-ayon rin ako sa ate ko. Bakit nga naman hahayaan pang magkaroon ng lote ang mga namatay na? Ang dami dyang mga nabubuhay pa na walang matirhan. Makikisali pa nga ba ang mga namatay na sa agawan sa lupa?
Ngunit medyo kinilabutan pa rin ako kanina nang dinala na si Lolo Stock sa crematorium. Mas gugustuhin ko pa rin ang ma-cremate siguro, pero nung nakita ko kanina ang mga oven kung saan ipapasok ang katawan ni Lolo Stock, medyo nanlamig ako. Biruin mo, doon siya susunugin, yun ang pumasok sa isipan ko. Ang pinaka-ayaw ko pa namang paraan ng kamatayan ay sa pamamagitan ng sunog. Alam kong hindi na mararamdaman iyon ng namatay, pero nakakapangilabot pa ring isipin. At nang sinabing tapos na, wala na si Lolo Stock, abo na siya at nasa loob na ng urn, mas matindi ang tama sa mga taong naghihintay dun sa memorial chapel. Kahit na sa akin, na hindi naman masyadong naging malapit kay Lolo Stock, at di siya masyadong kilala.
Hindi rin pala ganun-ganun lang iyon.
# Lyn found a missing piece @ 5:26 PM