Eto na naman ako. Akala ko nalampasan ko ang kalokohang iyon. Pero hindi. Malagay lang ako sa harap ng klase, at mapilitang magsalita sa harap ng mga kaklase ko, para na naman akong kamatis na may epilepsy. Namumula at nanginginig dun na parang tanga. Parang di pa ako sanay. Ilang taon na ba akong isang mag-aaral na madalas napipilitang magbigay ng individual report? Sus. Halos 22 na, di pa rin nagbabago. Pero ayan...tagal ko nang nagawa yang report ko, nagka-leche leche pa rin. Mali-mali ang mga isinasagot kay Fr. Ferrer, kulang-kulang pa ang mga sinasabi kahit na alam ko ang report ko. Alam kong sobrang namumula na naman ako nun, naramdaman kong nag-init mukha ko eh. Kinailangan ko pang ipababa kay Irah ang temperatura ng aircon, kasi parang nasusunog na mukha ko pagkatapos ng report ko.
Nakakatawa, kung hindi siya nakakainis. Noong bata ako, sobrang mahiyain ako. Sobrang tahimik. Di ako madaling makahanap ng mga kaibigan, kasi pag di ko kilala yung mga tao sa paligid ko, lumalayo ako, nagsasarili. Noong nasa ika-limang baitang sa elementarya, wala talaga akong kaibigan. Laging nagtatago sa library, kasi walang makasamang kumain. Takot na makihalubilo, takot na maunang magsalita. Pero kapag pinapakanta, kumakanta. Minsan, gusto pang maunang kumanta. Ang hilig pang sumali sa mga dula sa klase, kahit di marunong umarte. Mahiyain na hindi.
Pero anong nangyari ngayon? Bumaliktad ata. Ngayon naman, sobrang ingay na, di na maitikom ang bibig. Minsan nasosobrahan na sa ingay. At di na kayang mabuhay na walang kaibigan, walang kasama palagi. Pero kapag pinapatayo at pinipilit na humarap sa isang malaking grupo, ayan na. Tinamaan na ng hiya. Ay, meron ka pala nun? Aba, para nang nasasakal, utal-utal magsalita, nanginginig ang mga kamay at boses. Ayaw na rin kumanta nang mag-isa sa harap ng maraming tao, o sumali sa dula. Stage fright, stage fright raw. Stage fright. Sa dami ng karanasan sa entablado, ngayon pa magkaka-stage fright. Eh di ka nga nakatayo sa entablado kanina! Ang galing mo talaga!
Wala. Babatukan ko na lang sarili ko.
# Lyn found a missing piece @ 6:48 PM