Nasa Ateneo Loyola Schools library ako. Dito lang kasi pwede kong mapuntahan para makigamit ng internet at ng kuryente. Wala pa ring kuryente sa karamihan ng Luzon, isa sa mga dalang pinsala ng bagyong Milenyo.
Eto na raw ang pinakamatinding bagyo sa loob ng 11 na taon. Malamang nga. Pakiramdam ko kahapon, katapusan na ng mundo. Ang tindi ng ihip ng hangin. Kung hindi lang ganito ang mga materyales na ginagamit sa mga bahay dito sa Pilipinas, malamang nilipad na ang mga bahay tulad ng bahay ni Dorothy sa Wizard of Oz. Naririnig mo talagang sumisigaw ang hangin sa labas ng bahay, at nakikita mong yumuyugyog ang mga puno na parang dinaanan ng hipo-hipo.
Nawalan ng kuryente kahapon ng umaga. Patay kaming mga editors ng StatCon Project, di kami makagawa. Naubusan ako ng baterya sa computer ko. Naubusan rin ng baterya computer ng tatay ko. Ako umubos ng pareho. Heh. Dibale, Crim na lang ang gagawin ko. Para di masayang ang oras.
Nung kinagabihan, sobrang dilim na, ang hirap nang gumawa gamit ang kandila. Sinamahan ko na lang ang nanay kong maghanap ng baterya para sa radyo at mga flashlights. Ang Shoppersville lang ang nagbukas. Ang daming taong nagpapanic buying. Ubos na ang mga baterya na kailangan namin. Maraming mga taong walang mabiling tubig.
Medyo ninerbyos pa kami ng nanay ko kagabi. Nagpunta pa kasi ang tatay ko sa Iloilo (?) kahapon ng madaling araw para sa isang proyekto niya. Sumakay siya sa kaisa-isang eroplanong pinayagang lumipad pabalik ng Maynila kahapon ng hapon. Mga 5/6 siguro. Dati-rati, paglapag ng eroplano, nagtetext siya sa nanay ko para sabihing nakarating na siya. Kagabi, 8 pm na, wala pa ring text. Isang oras lang naman ang flight. Tapos, di pa namin siya ma-contact. Tumatawag na nanay ko sa lahat ng maisipan niya, pero wala. Syempre, dahil sa bagyo, natakot ang nanay ko.
At nasaan ang tatay ko? Ayun, matagal nang nakalapag ang eroplano, nasa White Plains na siya, sa tindahan namin. Wala palang signal kaya di niya tinext ang nanay ko. Heh.
Ngayon, pagkagising ko, parang walang nangyari. Maaraw na, di na umuulan. Di na malakas ang hangin. Kaya lang, wala pa ring kuryente at tubig, at sira pa rin ang mga telepono dahil sa mga nasirang linya kagabi. At pag lumabas ka ng bahay mo, dun mo makikita ang tunay na pinsalang dinulot ni Milenyo.
Ang daming mga nagbagsakang puno. Sa Miriam, bumagsak ang fence nila. Pagpasok namin ng Loyola Schools, parang napadpad kami sa isang lugar na matagal nang inabandona. Nagkalat ang mga puno at dahon.
Di ko inasahan 'to nung Miyerkules. Parang normal lang na pag-ulan noong araw na iyon. Di man lang naisip na ganito ang tatama sa Metro Manila sa susunod na araw.
Sige, tama na. Kailangan ko nang magtrabaho. Bow.
# Lyn found a missing piece @ 8:33 AM